Baku-bakong pait ay sininghut-singhot
Inamuy-amoy n’ya’t nagkalimut-limot.
Ang utak na wari’y buslong lusut-lusot,
Ay tila pisi ring nagkalagut-lagot!
Hinugot-hugot ng pagkagaling-galing,
Ang buntung-hiningang pagkalalim-lalim,
Malayong-malayo tumitingin-tingin,
Itong mga matang nagkaduling-duling!
Pumikit-pikit pa, nagpalingun-lingon
Hanggang doon lamang nagkabaun-baon
Sa gitna ng lungsod - parito’t paroon
Doon saka dito nangagtipon-tipon.
Nagkagulo-gulo’t nagkasira-sira
Pangarap at ngiti’y nagkagiba-giba,
Ngunit sa lansanga’y pagkatuwa-tuwa
Nagpalabuy-laboy, nagpagala-gala!
Ngayon ay tulalang hinihintay-hintay
Oras-katapusang pagkahusay-husay
Nais nang wakasan, mga buhay-buhay,
Dulung-dulo sana nang lumubay-lubay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento