Tinanggap ko ang pagputol mo sa ating ugnayan,
Kahit pa ang iyong dahila'y kay hirap paniwalaan.
Kung ang nangyari nama'y iyong ikagagaan,
Walang sikip na madarama sa aking kalooban.
Ngunit nang muling nagsalubong ang ating landas,
Bumalik ang nadaramang tila walang naganap na pag-iwas.
Agad mong ipinagmalaki sa akin ang iyong kasintahan,
Na naging bahagi na rin ng aking kabataan.
Naghinagpis ang pusong nagpakamartir at nagparaya,
Kahit pa noong una pa lamang ay sadyang mahal ka na.
Naniwalang magulang mo'ng dahilan kaya nagparaya,
Ngunit pinapatay ako ng mali kong pag-aakala!
Kung bakit sa dinami-dami, katoto ko pa'ng pinili,
Nasira sa isang iglap ang mga pinagsamahan dati.
Lubos ang hinagpis ngunit piniling manahimik,
Nagparaya ngunit kaibigan ko pa'ng pinampalit!
Ipinagmamalaki mo siyang maigi sa akin,
Sa nadarama mo, konsulta ay sa akin.
Hindi mo ba naiisip ang aking damdamin?
Na bagama'y nakalipas na'ng sa ati'y nasasaktan pa rin!
Minsan, sa aking pag-iisa,
Inisip ko rin kung bakit ganyan ka.
Tila hindi mo nararamdaman ang nadarama ng iba.
Dahil ba bata ka pa? O sadyang manhid ka lang talaga?
Minsan pa nga, isip ko tila'y dumudumi na.
Baka ang ginagawa mo'y sadyang intensyon mo na!
Sayang lamang at ako'y 'di agad lumuluha,
Kung masasaksihan mo ito sakali'y matauhan ka!
Wala akong ibang inibig kundi ikaw,
Umasa akong magiging tayo balang araw,
Ngunit sa puntong ito, tila ako pa'ng nagnanakaw
Ng mga sandali mong sa akin ay inagaw.
Kung tutuusin, martir na akong nagparaya,
Ngunit bakit tila ako ang lumalabas na masama?
Ako ba sayo ay may hinahabol pa?
Hindi ba't pilili kong manahimik at 'wag magsalita?
Ngunit dahil sadyang mahal kita,
Ang puso't isip ko'y nababagabag pa.
Ano'ng wala sa akin na nakita mo sa kanya?
May pagkukulang ba ako sa aking ginawa?
Patawarin mo ako, patawarin nawa ako ng Bathala,
Pagkat ang hinagpis sa aki'y nagdudulot ng masama,
Dahil minsan dinadalangin kong sana'y masaktan ka,
Nang maramdaman mo kung gaano kasakit ang lumuha!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento