Martes, Enero 14, 2014

luha

Luha ang kalsada na dinaraanan,
Ng taong nagluhod sa dinarasalan,
Ito ang hihirang sa kapatawaran,
Upang ang dalangi’y bigyang-katuparan.

Ibig kaawaan, siya’y patawarin,
Sumpa at pangako ay sunud-sunod rin,
Luhod na lalakad at mananalangin,
Na wari’y may hapis ang diwa’t damdamin.

Sinasamantala ng taong baluktot,
Sa pagkakasala’y natila malungkot,
Ngunit katunayan sa puso at loob,
Naghari ang bangis at asal na buktot.

Nagtuos ng buti sa Poong Bathala,
Ang hangad sa kapwa’y kunwaring dakila,
Ngunit sa totoo’y walang pagkalinga,
Ang puso ay ganid, sakim itong diwa!

Luha’y ginagamit sa buti at sama,
Kasamang lumakad ng lungkot at tuwa,
Sa lubhang panganib, makaliligtas ba
Kung mananalangin sa ngalan ng luha?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento